Dagdag multa sa traffic violators, ipapatupad na

Nakatakdang ipatupad ang pagpapataw ng mas malaking multa laban sa mga lalabag sa batas trapiko simula ngayong araw.

Ito’y makaraang hindi na inaksyunan ng korte suprema ang hirit na temporary restraining order (tro) ng mga grupong pangtransportasyon laban sa joint administrative order ng dotc, ltfrb at lto.

Inihayag ni land transportation office (lto) spokesperson jason salvador na kung noo’y pare-pareho lamang na p6,000 ang multa sa mga kolorum na sasakyan, posible na itong umabot ngayon sa p1-milyon.

Nakasaad sa nasabing joint administrative order ng tatlong sangay ng pamahalaan ang pagpapataw ng isang milyong pisong multa sa mga mapatutunayang kolorum na mga bus.

Sa ilalim ng bagong patakaran, tataas din ang multa sa iba pang mga kolorum na sasakyan.
Dalawandaang libong piso naman ang multa para sa mga hindi lisensyadong truck, p50,000 para sa mga kolorum na jeepney, p200,000 naman sa mga kolorum na van, p120,000 para sa mga kolorum na taxi habang p6,000 naman sa mga motorsiklo.

Tinaasan din ang minimum fine maging sa mga traffic violations. P2,000 na ang ipapataw na multa sa mga mahuhuling reckless driver. P1,000 para sa driver-related violations katulad ng hindi pagsunod sa mga traffic signs at hindi pagsusuot ng seat belt. Pagbabayarin din ng p5,000 ang mga magpapalit ng bahagi ng kanilang sasakyan nang hindi awtorisado ng lto. Samantala, pabor naman ang ilang mga bus driver sa pagpapatupad ng bagong patakaran.