Tomato candy, ipinagmamalaki ng bayan ng Talavera

Simula pagkabata, pagkakamatis na ang ikinabubuhay ni mang leoncio, residente ng bayan ng talavera. Ito na daw ang kanyang ibinuhay sa kanyang pamilya, upang mapag-aral ng maayos ang kanyang mga anak.

Kalbaryo para sa mga katulad niya kapag wala sa panahon o mura ang presyo ng kanyang inaning kamatis.

Lugi, ang kinahihitnan nila kapag madami o oversupply ang kanilang ani.

Kaya naman, umisip ng ibang alternatibong paraan ang lokal na pamahalaan ng talavera, upang matulungan ang suliranin ng bawat manananim ng kamatis, na katulad ni mang leoncio.

Kendi mula sa kamatis o tinatawag nilang tomato candy ang ipinagmamalaki ngayon ng naturang bayan. Mula sa natural na sangkap ng kamatis, gamit ang dalawa pang sangkap ng asukal at lemon o calamansi juice, ay kayang kaya na daw mabuo ang kakaibang kending ito.

Ang lahat ng mga produkto na kanilang nagagawa ay ibinebenta sa kanilang display center na kung saan iba’t-ibang lokal na produkto ang makikita rito.

Mula sa pagtatanim hanggang sa pag proseso ng pagkain, tinututukan ng pamahalaang bayan ng talavera ang sektor ng kanilang agrikultura upang mabigyan ng sapat na kitang pangkabuhayan  ang bawat mamamayan, para sa ikauunlad ng kanilang bayan.